Kukumpirmahin ng Philippine Genome Center (PGC) kung nakapasok na ba sa Pilipinas ang bagong variant ng COVID-19 na kumalat sa United Kingdom.
Ayon kay PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma, ang genome sequencing para sa samples mula sa mga paliparan at mga nagpositibong pasyente mula Nobyembre at Disyembre ay malapit nang matapos.
Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay ilalabas sa kalagitnaan ng Enero.
Ang sample ng COVID-19 positive traveler mula sa UK na dumating kamakailan sa bansa ay kasama sa samples na sumasailalim sa sequencing ng PGC.
Pinayuhan ni Saloma ang Publiko na manatiling sundin ang health protocols dahil nananatiling banta ang virus.
Tingin din niya na wala pang epekto ang bagong COVID-19 variant sa pag-develop ng mga bakuna.
Sa ngayon, makakatulong ang mahigpit na border control at travel ban para mapigilan ang pagpasok ng virus sa bansa.