PGH at St. Luke’s, hindi na tatanggap ng mga severe COVID-19 cases

Naabot na ng dalawa sa mga pinakamalalaking ospital sa Metro Manila ang kanilang full bed capacity.

Ibig sabihin, hindi na sila makakatanggap ng mga pasyenteng may severe cases ng COVID-19 na nangangailangan ng emergency care.

Ayon kay UP-Philippine General Hospital spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, puno na rin ang kanilang intensive care unit (ICU) facilities.


Katunayan aniya, ilan sa kanilang mga kwarto ay ginawa na rin nilang ICU rooms dahil sa dami ng mga pasyenteng may severe hanggang critical COVID-19 cases na dinadala sa PGH.

Sa kasalukuyan, aabot na sa 170 COVID-19 patients ang naka-admit sa PGH.

Sa ngayon, 200 kama ang ginagamit nila para sa mga pasyenteng may COVID-19 pero maaari nila itong itaas sa 230 depede sa mga bagong kaso dadalhin sa ospital.

Ayon kay Del Rosario, tatanggap pa rin sila ng mga non-COVID patients pero iyong mga may life- and limb-threatening conditions lamang.

Samantala, ganito rin ang sitwasyon ngayon sa St. Luke’s Medical Center (SLMC).

Sa SLMC Global City, 109 beds na ang okupado na katumbas ng 101% habang 17 indibidwal ang naghihintay na ma-admit sa emergency room ng SLMC Quezon City.

Ayon kay SLMC chief medical officer Dr. Benjamin Campomanes, nahihirapan silang tumanggap ngayon ng mga pasyenteng may COVID-19 dahil ilan sa kanilang mga kama ay okupado rin ng mga non-COVID patients.

Facebook Comments