PGH, isa sa mga mauunang makakatanggap ng bakuna ng Sinovac mula China

Kinumpirma ni University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na isa sila sa mga makakatanggap ng suplay ng bakuna kontra COVID-19, mula sa Chinese pharmaceutical firm na Sinovac na darating na sa bansa ngayong Linggo.

Ayon kay Del Rosario, bahagi ito ng COVID-19 vaccination rollout ng pamahalaan.

Pero paliwanag nito, hindi nila irerekomendang ipagamit ang bakuna sa mga medical personnels ng PGH na direktang humaharap sa mga COVID-19 patients at nagtatrabaho sa mga COVID-19 wards.


Sa halip ay i-aalok aniya ang bakuna sa mga support staff ng PGH tulad ng administrative personnel, security at janitorial services, at maging sa mga doktor at nurses na hindi naka-deploy sa COVID-19 operations.

Ang pasya ay alinsunod sa rekomendasyon ng Food and Drug Administration (FDA) at resulta ng isinagawang registration at screening.

Sa ngayon, pag-amin pa ni Del Rosario handa siyang unang magpaturok ng anti-COVID-19 vaccine mula sa Sinovac.

Makakatulong kasi aniya ang anumang bakuna kontra COVID-19 para mas maging aktibo ang immunity at mapataas pa ang lebel ng anti-bodies ng isang COVID-19 survivor.

Bukod dito, umaasa rin si Del Rosario na makatutulong ang kanyang pagpapabakuna para mapataas ang kumpiyansa ng publiko sa anti-COVID-19 vaccine.

Facebook Comments