Inihayag ng pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) na nagkapaglaan na sila ng pondo para sa hazard pay at Special Risk Allowance (SRA) ng mga health workers na nagtrabaho noong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19.
Sa isang sulat na ipinabatid ni PGH Director Gerardo Legaspi, nakasaad dito na inaprubahan na ni University of the Philippines President Danilo Concepcion ang paglipat ng pondo para maibigay na sa mga health workers ang kanilang hazard pay at SRA.
Bukod dito, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kay Legaspi na naglaan na rin sila ng P94 million na pondo para sa SRA at hazard pay ng mga health workers bilang pagsunod sa Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act.
Ayon pa kay Legaspi, inaprubahan na rin ng Department of Budget and Management (DBM) ang karagdagan nilang pondo sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act upang matugunan ang pagpapagamot sa ibang non-COVID-19 patients na unti-unting tumataas ang bilang kada araw.
Matatandan na dalawang beses na nagsagawa ng protesta ang mga health workers sa PGH para hilingin na ibigay na sa kanila ang SRA at hazard pay na anim na buwan ng nakatengga.
Una naman sinabi ng pamunuan ng PGH na wala silang savings o extra budget para sa taong 2020 at naubos na umano ang pera partikular ang maintenance and other operating expenses dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.