Naglabas ng abiso ngayon ang pamunuan ng Philippine General Hospital hinggil sa kumakalat na fake news sa social media.
Sa naging mensahe ng PGH, walang katotohanan ang kumakalat na balita na nag-isyu sila ng pahayag na ang mga bagong admit na pasyenteng positibo ng COVID-19 ay nahawa dahil lamang sa pagpunta nila sa grocery.
Ayon pa sa PGH, dalawang bagay lang daw ang nakikita nilang dahilan kaya’t posibleng nagkaroon ng COVID-19 ang ilang pasyente at ito ay ang kanilang travel history sa mga lugar o bansang may positibong kaso ng virus at ang pagkakaroon ng close contact sa taong carrier ng COVID-19.
Umapela ang PGH sa publiko na maiging suriin muna ang mga kumakalat na abiso o pahayag bago ito ipakalat o i-share sa social media lalo na’t maaari itong magdulot ng takot sa publiko.
Hinihikayat din nila ang mga netizens na magbasa sa mga offical website ng kinauukulan at makinig sa mga abiso ng pamahalaan.
Paalala din nila na palagiang maghugas ng kamay, pairalin ang social distancing, maglagay ng alcohol kapag may nahawakan na bagay na maaaring pagmulan ng virus at iwasan hawakan ang mukha sa anumang oras para hindi mahawaan o magkaroon ng anumang sakit.