
Pansamantalang lilimitahan ng Philippine General Hospital ang pagtanggap sa kanilang emergency room kasunod ng biglang paglobo ng mga pasyente.
Sa abiso ng PGH, naabot na ng ospital ang mahigit sa kapasidad nito para sa bilang ng mga pasyente sa kanilang emergency room.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Jonas del Rosario, ang tagapagsalita ng PGH, idinesenyo lamang ang emergency room ng ospital sa 55 pasyente—malayo sa sitwasyon ngayon na nasa higit 300 ang naka-confine.
Karamihan sa mga pasyente na nasa emergency room ay dahil sa sakit na leptospirosis at pneumonia.
Hinihikayat naman ng PGH na maghanap muna ang publiko ng ibang ospital na maaaring magbigay ng agarang serbisyong medikal.
Nilinaw naman nito na nananatiling bukas ang emergency room para sa mga pasyenteng nasa kritikal na kalagayan.
Samantala, dahil sa paglobo ng mga pasyente sa PGH, sinabi ng Department of Health na nakahanda ang 20 DOH at GOCC ospital sa NCR para tumanggap ng pasyente.









