Nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng pumalo sa 18,000 ang maitatalang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa sa Nobyembre o Disyembre.
Ito ay kung magtatanggal na ng facemask ang publiko kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Bongbong Marcos sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na gawin na lamang boluntaryo ang pagsusuot ng facemask sa indoor areas.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, mainam na timbanging mabuti ng publiko ang posibleng panganib ng hindi pagsusuot ng facemask lalo’t kakaunti pa rin ang nagpapaturok ng booster dose.
Pero ang importante ayon kay Vergeire, ay mapanatiling nasa minimum level ang severe at critical cases ng COVID-19 at mapananatiling manageable ang hospital utilization rate sa bansa.
Una nang nagbabala ng posibleng pagsirit ng COVID-19 cases ang infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante sa harap na rin ng naglalabasang mga bagong subvariant ng Omicron.