BUMILIS pa ang fixed broadband internet sa Filipinas ng 19 puntos sa global ranking, base sa March Ookla Speedtest Global Index report.
Ayon sa Ookla, nakapagtala ng 7.79Mbps increase sa speed mula sa 38.46Mbps noong nakaraang buwan patungo sa 46.25Mbps nitong Marso 2021.
Katumbas ito ng monthly increase na 20.25% at 484.70% increase mula sa download speed ng bansa na 7.91Mbps noong Hulyo 2016.
Sa 177 mga bansa, ang Philippine fixed broadband speed ay nasa ika-81 puwesto na ngayon. Ang pag-angat sa puwesto ng bansa noong Marso ay 2nd best sa buong mundo kasunod ng Oman.
Bahagya namang bumaba ang mobile network overall performance ng bansa makaraang magtala ng average download speed na 25.43Mbps mula sa 26.24Mbps noong nakaraang buwan.
Sa kabila nito, ang kasalukuyang mobile network performance ay mas mataas pa rin ng 241.80% kumpara sa speed nito na 7.44Mbps noong Hulyo 2016, habang ang average mobile download speed na 24.72Mbps mula Enero hanggang Marso mgayong taon ay tumaas din ng 29.22% mula sa 19.13Mbps na naitala noong Oktubre hanggang Disyembre 2020.
Ang malaking pagtaas sa mobile speeds sa mga nakaraang buwan ay naitala rin nang ang global rank ng Filipinas noong Disyembre 2020 ay umangat ng 14 puntos at ng 10 puntos pa noong Enero 2021.
Sa 140 mga bansa, ang Philippine mobile speed ay nasa ika-86 na puwesto noong Enero 2021 mula sa ika-111 sa kaparehong panahon noong 2020, kung saan naungusan nito ang mga bansang tulad ng Russia, Malaysia at Indonesia.
Sa 140 bansang sinuri, ang mobile speed ng Filipinas ay nasa ika-86 puwesto.
Sa Asya naman, nasa ika-22 puwesto ang Filipinas sa internet speed sa fixed broadband at pang-25 sa mobile broadband mula sa 50 mga bansa. Sa Asia-Pacific, nakapuwesto ang Filipinas sa ika-16 sa fixed broadband at pang-15 sa mobile broadband mula sa 46 mga bansaz
Ang bansa ay pang-5 ngayon sa fixed broadband at nasa ika-7 puwesto sa mobile mula sa 10 ASEAN countries.
Ang pagbilis pa ng internet speed sa bansa ay kasunod ng direktiba ng Pangulo noong Hulyo 2020 sa pangangailangan na pabilisin ang pag-iisyu ng LGU permits para sa pagtatayo ng cellular towers. Magmula noon ay nagkaroon na ng pagtaas sa pag-iisyu ng permits mula Hulyo 2020 hanggang Marso 2021.
Noong Marso 8, 2021 ay umarangkada na ang cimmercial rollout ng DITO Telecommunity sa key areas sa Visayas at Mindanao. Target ng third telco sa bansa na maserbisyuhan ang Metro Manila sa kalagitnaan ng 2021.
Inaasahan ang lalo pang pagbilis ng internet sa bansa sa pag-igting ng telco market competition sa pagpasok ng DITO.