ISANG taon makaraang atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PLDT at Globe Telecom na pagbutihin ang kanilang serbisyo, ang internet speed sa bansa ay patuloy na bumilis sa mga nakalipas na buwan.
Iniulat ng Ookla Speedtest Global Index na ang internet average download speed sa bansa ay patuloy sa pagbilis kung saan ang fixed broadband speed ay tumaas mula 58.73Mbps noong May 2021 sa 66.55Mbps nitong Hunyo.
Katumbas ito ng monthly increase na 13.32%. Tumaas din ang speed ng 741.34% magmula nang umupo sa puwesto si Duterte noong Hulyo 2016.
Ang mobile speed ay tumaas din noong Hunyo kung saan nagtala ang bansa ng average download speed na 32.84Mbps mula 31.97Mbps noong Mayo. Katumbas ito ng monthly increase na 2.72%.
Tumaas din ang speed ng 341.40% magmula nang manungkulan ang administrasyong Duterte noong Hulyo 2016.
Ang anunsiyo ng Pangulo na padaliin at pabilisin ang pag-iisyu ng LGU permits noong Hulyo 2020 ay nagresulta sa malaking pagtaas sa permits na ipinagkaloob sa telcos mula Hulyo 2020 hanggang Mayo ngayong taon vis-à-vis 2019.
Ang pagbilis sa internet speed ay resulta ng kaganapang ito dahil nagawang pabilisin ng telcos ang pagtatayo ng infrastructure (cellular towers at fiber optic network) na kinakailangan para mapaghusay ang serbisyo at connectivity.