Iginiit ng ilang mga senador na idaan sa ratipikasyon ng Senado ang bubuuhing security triad sa pagitan ng Pilipinas, Japan at Estados Unidos.
Ito’y matapos magkasundo ang Pilipinas at Japan na palakasin ang military at security ties gayundin ang disaster response cooperation sa pamamagitan ng pagsasagawa ng joint military exercises at target na pagbuo ng security triad kasama ang Amerika.
Ayon kina Senators Francis Tolentino at Chiz Escudero, kung ang pagbuo ng security triad ng tatlong bansa ay gagawing pormal na kasunduan, ito ay dapat lamang dumaan sa ratipikasyon ng Senado salig sa ating Konstitusyon.
Sinabi ni Tolentino na kung ang pansamantalang trilateral exercises na ito ng tatlong bansa ay idadaan sa isang bagong executive agreement, welcome naman ito basta’t tiyak na magbebenepisyo rito ang buong bansa at magbibigay ng kapayapaan sa buong rehiyon.
Hirit pa ni Tolentino, dapat na mabigyang oportunidad ang Senado na ayusin ang dynamics ng magiging kasunduan habang kinikilala rin nila ang papel dito ng presidente.
Sa panig naman ni Escudero, hindi na bago ang tripartite security treaty ng Pilipinas sa pagitan ng US at Japan pero ito ay magiging ganap na pormal kung ito ay gagawing treaty na dadaan sa ratipikasyon ng Senado sa halip na sa isang executive agreement lamang.
Dagdag pa ni Escudero, mainam ang kasunduan na dumaan sa pagsusuri at pagsang-ayon ng Senado dahil hindi lang seguridad ng bansa ang nakasalalay dito kundi maging ang kapakanan at kinabukasan ng mga mamamayan.