PH Navy chief, nagpahayag ng kumpiyansa na kayang ipagtanggol ng PH Navy ang soberenya ng bansa sa karagatan

183
Photo Courtesy: PCOO

Kumpiyansa si Philippine Navy Chief Vice Admiral Robert Empedrad na kaya nang ipagtanggol ng Philippine Navy ang soberenya ng bansa sa karagatan at protektahan ang 7,600 na isla ng Pilipinas.

Pahayag ito ni Empedrad sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy kahapon sa Sangley Point Cavite, kung saan panauhing pandangal si Pangulong Rodrigo Duterte, kasama sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP Chief of staff General Benjamin Madrigal.


Sa okasyon, binindisyunan ang mga bagong air at sea assets ng Navy na binubuo ng dalawang AW159 anti-submarine helicopters at apat na amphibious assault vehicles.

Ayon Kay Capt. Jonathan Zata, tagapagsalita ng Philippine Navy, ang mga bagong gamit ng Philippine Navy ay makapagpapalakas sa kanilang kapabilidad na pangalagaan ang seguridad sa karagatan.

Pinasinayaan din sa okasyon ang mga bagong pasilidad ng Philippine Navy sa Sangley Point, na binubuo ng Magluyan Hall (Philippine Fleet Gymnasium), headquarters ng Naval Special Operations Group (NAVSOG) at enlisted personnel’s barracks para sa benepisyo ng mga sailors at marines.

Photo Courtesy: PCOO

Sa pagtatapos ng programa, isinagawa ang send-off ng mga bagong “refurbished and upgraded” na mga barko ng Philippine Navy na kinabibilangan ng BRP Magat Salamat (PS20), BRP Emilio Jacinto (PS35), BRP Apolinario Mabini (PS36), BRP Quezon (PS70), BRP Jose Loor Sr. (PC390) at BRP Alberto Navarette (PC394).

Ang mga barko ay nagtungo sa kani-kanilang “areas of responsibilities” para magsagawa ng mga maritime operations, logistics support missions at iba pang misyon na may kinalaman sa mandato ng Philippine Navy na pangalagaan ang karagatan ng bansa.

Facebook Comments

From Advertisers