Gagawa ng paraan ang Philippine Navy upang masolusyunan ang ‘cyber interference’ sa West Philippine Sea (WPS) kapag isinasagawa ang rotation at resupply (RORE) mission sa mga tropa ng pamahalaan na nakaposte sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, pagpaplanuhan itong maigi ng Naval Operating Force at Armed Forces of the Philippines (AFP) Unified Command na nasa operational level.
Ang pahayag ay ginawa ni Trinidad matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nababahala siya sa lumalawak na presensya ng People’s Liberation Army Navy sa West Philippine Sea.
Aniya, sang-ayon siya sa pahayag ng pangulo at sinabi na palaging cause for concern ang presensiya ng mga dayuhang barko sa karagatan ng bansa na hindi naayon sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).
Matatandaang una nang sinabi ni Trinidad na hindi lamang ang Philippine Coast Guard (PCG) ang nakararanas ng hirap sa komunikasyon sa sa tuwing magkakaroon ng misyon sa West Philippine Sea dahil maging ang mga barko ng Philippine Navy ay nasa apat na taon nang nakararanas ng cyber interference.
Bagama’t hindi ito nakakaparalisa ng operasyon ng mga barko pero nakakaapekto naman ito sa komunikasyon ng iba pang mga barko maging ng mga land-based vehicle ng militar.