Binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Red Cross (PRC) matapos nilang suspendihin ang pagsasagawa ng COVID-19 testing dahil sa utang ng pamahalaan na nasa ₱1.1 billion.
Sa kanyang talk to the nation address, tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘mukhang pera’ ang PRC habang nagbibigay ng update si Health Secretary Francisco Duque sa COVID-19 status.
Hindi na nagbigay pa ng paliwanag ang Pangulo sa kanyang pahayag.
Una nang nagbabala si PRC Chairperson Senator Richard Gordon na muli nilang sususpindehin ang COVID-19 testing na sagot ng PhilHealth kapag hindi pa rin nabayaran ang natitirang utang ng gobyerno sa kanila.
Nabatid na may kasunduan ang PRC at PhilHealth kung saan sasagutin ng health insurer ang ₱3,500 test na gagawin ng humanitarian organization.
Sakop ng PRC ang 26% o 1.15 million ng kabuuang COVID-19 screenings sa bansa.