PH Red Cross, naglagay ng mga portalets at namahagi ng inuming tubig sa ilang evacuation centers sa Batangas

25 mga portalets o portable toilets ang inilagay ng Philippine Red Cross o PRC sa mga evacuation centers sa Calaca Central School at Balayan West Central School sa Batangas.

Bukod dito ay nagpadala din ang PRC ng mga water tanker para magbigay ng tubig na iinumin ng mga apektado ng pagputok ng bulkan sa Calaca at Nasugbu, Batangas.

Ayon kay PRC Chairman and CEO Senator Richard Gordon, nagsasagawa din ang mga PRC volunteers ng masayang mga aktibidad para sa mga batang inilikas sa Batangas Sports Complex Evacuation Center.


Sa talaan ng PRC ay umaabot na sa 120 ang evacuation centers kung saan namamalagi ang 31,000 katao na kanilang binigyang ng mga hygiene kits na may lamang tuwalya, toothbrush, sabon at shampoo.

Bukod pa ito sa regular na food trucks o hot meals on wheels na ipinadadala ng PRC at 9 na ambulance na nagdadala sa ospital ng mga nasusugatan.

Samantala, namahagi naman ang PRC ng N95 masks sa mga residente ng Alfonso, Cavite na apektado ng Taal volcano eruption.

Facebook Comments