Nagpaalala ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga kababaihan na nais sumailalim sa COVID-19 PCR saliva test na huwag maglagay ng lipstick sa labi.
Ayon kay PRC Molecular Laboratory Chief Dr. Paulyn Ubial, hindi pinapayo sa mga babae na maglagay ng lipstick dahil magiging invalid lamang ang kanilang saliva sample.
Paliwanag ni Ubial, sumasama ang kulay ng lipstick sa laway kaya hindi maaaring masuri ang sample.
Bukod dito, payo pa ni Ubial sa mga nais mag-avail ng non-invasive saliva test na huwag kumain, uminom, mag-mumog, manigarilyo o mag-vape nang 30 minuto bago ang nakatakdang schedule appointment.
Ang saliva PRC test ay ligtas para sa mga kokolekta ng sample, pero kailangan pa rin nilang magsuot ng Personal Protective Equipment (PPEs).
Nasa ₱2,000 lang ang halaga ng swab test.
Sa ngayon, ang saliva test ay available pa lamang sa Metro Manila pero sa susunod na linggo ay maaari na rin itong ma-avail sa lahat ng laboratoryo ng Red Cross sa buong bansa.