Iginiit ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang kahalagahan na magkaroon ng joint patrol sa West Philippine Sea (WPS) sa pagitan ng Pilipinas, Amerika at iba pang kaalyadong bansa.
Umaasa si Villafuerte na kasama itong matatalakay sa pulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kay US President Joe Biden.
Mensahe ito ni Villafuerte, makaraang muntik ng banggain ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal kamakailan.
Punto ni Villafuerte, sa kabila ng serye ng pakikipag-usap ng Pilipinas sa China sa diplomatikong paraan ay patuloy ang mga agresibo at delikadong hakbang nito laban sa atin at sa ating teritoryo.
Binanggit ni Villafuerte na umaabot na sa mahigit 200 diplomatic protests na naihain ng Pilipinas laban sa China pero patuloy pa rin ang pam-bubully nito sa atin.
Kaya naman diin ni Villafuerte, dahil walang kakayanan ang Pilipinas na lumaban sa isang ‘superpower’ gaya ng China ay mainam na magkaroon ng border security arrangement katuwang ang ating mga kaalyadong bansa katulad ng Estados Unidos.