Iginiit ni Presidential Aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson na sa halip na tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, mas dapat itong ayusin at dagdagan pa.
Ito ang binigyang diin ni Lacson kasabay ng kaniyang pagtutol sa pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesman Zhao Lijian na kailangang sundin ng Pilipinas ang “kasunduan” na alisin ang BRP Sierra Madre sa lugar.
Sabi ni Lacson, mukhang wala namang ganitong kasunduan dahil hindi naman siguro papasok ang gobyerno sa kasunduan na tatanggalin natin ang BRP Sierra Madre.
Ang BRP Sierra Madre ay isang grounded vessel na nagsisilbing outpost ng Philippine Navy sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Lacson, hindi ito ang unang beses na nanghimasok ang China sa teritoryo ng Pilipinas at Exclusive Economic Zone (EZZ) sa WPS.
Binanggit ni Lacson na noon pang 1995, inangkin din ng China ang Panganiban (Mischief) Reef at sinundan ito ng sigalot sa Panatag Shoal noong 2012.
Sinabi ni Lacson na sa kabila ng hindi pagsunod ng China sa kasunduan na pinagitnaan ng Estados Unidos ay pinatunayan ng Pilipinas na walang karapatan ang China sa lugar sa pagkakapanalo ng ating bansa sa Permanent Court of Arbitration noong 2016.