Ipasa-subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilang pharmaceutical companies na hindi dumalo sa executive session kaugnay sa tunay na presyo ng biniling COVID-19 vaccines ng pamahalaan.
Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, may mga pharmaceutical companies ang hindi nakadalo sa idinaos na executive session kaya mapipilitang magpa-isyu ng subpoena ang komite para humarap sa susunod na pagdinig ang mga opisyal ng kompanya.
Tumanggi naman si Tolentino na pangalanan ang nasabing pharmaceutical companies dahil ito ay paglabag sa confidentiality rules ng Senado pagdating sa executive session.
Sa kabilang banda, ang pharmaceutical companies na humarap kamakailan sa executive session ay naging ‘very cooperative’ naman ayon sa senador.
Aniya, sinabi mismo ng humarap na pharmaceutical company ang presyo, volume at doses ng COVID-19 vaccines na nai-deliver noong kasagsagan ng pandemya.
Tiniyak naman ni Tolentino na maisasapubliko rin ang detalye sa presyo ng mga biniling bakuna at humihingi na rin ng permiso sa mother company ang mga pinadalang representative para maisapubliko ang mga impormasyon.
Hiniling din ng senador sa Office of the Solicitor General kung maaaring obligahin ang Department of Health (DOH) na bigyan ang Senado ng kopya ng mga non-disclosure agreement (NDA) sa biniling COVID-19 vaccines bilang ang Senado naman ay bahagi ng kabuuan ng gobyerno.