Bubusisiin pa rin sa 19th Congress ang kontrobersyal na COVID-19 supplies deal sa pagitan ng gobyerno at Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ito ang pagtityak ni Sen. Risa Hontiveros sa panayam ng RMN Manila kasunod ng pahayag na maghahain siya ng resolusyon sa pagpasok ng 19th Congress upang muling imbestigahan ang kontrobersyal na Pharmally deal.
Nabatid na hindi naging opisyal ang committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon nito sa Pharmally controversy matapos na hindi lumagda ang ilang senador.
Nakalagay sa draft committee report ang rekomendasyon ni Blue Ribbon Committee Chair. Richard Gordon na kasuhan ang mga opisyal ng Pharmally, si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang at former Procurement Head Christopher Lloyd Lao.
Pero hindi ito nangyari at bagkus ay nakalaya pa ngayong araw dalawang opisyal ng Pharmally na sina Mohit Dargani at Linconn Ong.
Sabi ni Hontiveros, nakakapanghinayang kung masasayang lang at walang patutunguhan ang idinaos nilang labing walong pagdinig lalo na’t punong-puno ito ng mga solidong ebidensya.
Kasabay nito, binanatan naman ng abugado ng mga opisyal ng Pharmally na si Atty. Ferdinand Topacio si Hontiveros at sinabing nagpapabibo lang ang Senadora.