Tiniyak ni Senate Sergeant-at-Arms Rene Samonte na maayos ang kondisyon at maayos ang kanilang pagtrato kay Pharmally Pharmaceutical Corporations Director Linconn Ong na nasa kostudiya ng Senado.
Diin ni Samonte, hindi pinagkakaitan ng karapatan si Ong at sa katunayan ay pinapayagan itong lumabas ng gusali ng Senado para maglakad-lakad at magpa-araw.
Sabi pa ni Samonte, pwedeng dalawin si Ong ng kanyang pamilya, abogado, doktor at religious leaders tulad ng madre at pari.
Sa katunayan ayon kay Samonte, kaninang umaga ay bumisita kay Ong ang kanyang original lawyer na si Atty. Donn Rico Kapunan pati ang kanyang misis.
Ipinaliwanag ni Samonte na ang paggamit ni Ong ng kanyang cellphone at iba pang gadgets ay isang prebelihiyo na ipinagkaloob at pinatigil ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sabi ni Samonte, pinagbibigyan naman si Ong kapag nais niyang magpadala ng mensahe sa kanyang misis o tumawag gamit ang telepono sa tanggapan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).
Tumanggi naman si Samonte na sagutin para hindi ma-dignify ang mga pahayag ng abogado ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio.
Ayon kay Topacio, dumaranas si Ong ng mental at psychological torture sa kostudiya ng Senado dahil tinanggalan ito ng cellphone at sinasabihan pa umano ng kung anu-ano ng mga miyembro ng OSAA
tulad ng posibilidad na siya ay mapatay.