Pharmally Executive Krizle Grace Mago, ipinapa-subpoena na ng Kamara

Ipinapa-subpoena na ng House Committee on Good Government and Public Accountability si Pharmally Pharmaceutical Corp. Executive Krizle Grace Mago.

Ito ay matapos na “no-show” si Mago sa pagdinig ng Kamara kaugnay sa kontrobersyal na pagbili ng pamahalaan ng COVID-19 medical supplies sa ilalim ng Pharmally na aabot sa mahigit P8 bilyon.

Bago matapos ngayong araw ang pagdinig ay inihabol na maaprubahan ng panel ang “subpoena ad testificandum” para mapilitang humarap na sa pagdinig si Mago.


Ayon kay Good Government and Public Accountability Chair Michael Aglipay, pinahaharap si Mago sa susunod na pagdinig ng komite sa Oktubre 4 kahit sa pamamagitan ng Zoom o online.

Mahalaga aniya na makadalo si Mago sa imbestigasyon ng Kamara upang mabigyang linaw ang iba pang mga katanungan kaugnay sa isiniwalat nito na pagpapalit ng production date ng mga idineliver na face shields na binili ng pamahalaan.

Nauna nang sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon na hindi na makontak ng Senado si Mago, kaya naman umapela na ito sa National Bureau of Investigation (NBI) na tumulong sa paghahanap sa nabanggit na Pharmally executive.

Facebook Comments