Nagpahayag ng pagkabahala si Pharmally Corporate Treasurer at Secretary Mohit Dargani na nakaranas na ng pressure sa nagdaang Senate hearing si Pharmally Executive Krizle Grace Mago kaya hindi na ito ma-contact ngayon.
Sa nagpapatuloy na moto proprio investigation ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa pagbili ng pamahalaan ng mga COVID-19 related items ay hindi ito humarap bukod pa sa hindi na rin ma-contact ng Senado ang nasabing Pharmally official.
Naniniwala si Dargani na posibleng natatakot na ngayon si Mago matapos makaranas ng pressure mula sa mga senador noong nakaraang pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee.
Partikular na pinaniniwalaan ni Dargani na posibleng ikinatakot ni Mago ay ang sinapit ng kanilang boss na si Pharmally Director Linconn Ong na naka-detain ngayon sa Senado.
Samantala, agad namang itinanggi ni Dargani na pinayuhan niya si Mago na magtago nang matanong tungkol dito ni Committee Chairman Michael Aglipay.
Pinabulaanan din ni Dargani ang akusasyon ni Mago na siya ang nag-utos na baguhin ang expiration date ng mga face shields na nai-deliver sa pamahalaan.
Katunayan aniya ay hindi pa rin niya nakikita si Mago sa kasalukuyan.