Nakahanda si Pharmally Executive Krizle Grace Mago na makasuhan ng perjury matapos nitong bawiin ang mga naunang pahayag sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, binawi ni Mago ang mga naunang kumpirmasyon sa Senado na “tampered” o dinoktor nila ang production date ng mga face shields at hindi rin totoo na inutusan siyang gawin ito ni Pharmally Treasurer Mohit Dargani.
Hindi rin aniya totoo na niloko nila ang gobyerno sa mga na-i-deliver na face shields at sa katunayan ay sinuri pa aniya nila ang mga face shields at agad na naihiwalay ang mga damaged items habang ni-repack naman ang mga maaayos ang kondisyon.
Sa prosesong ito nangyari aniya ang pagkahalo-halo ng mga product certificates, pero malinaw aniya sa dalawang dokumento na hindi expired ang kanilang face shields.
Nanindigan si Mago na ang kanyang naging tugon sa Senado na umano’y swindling ng Pharmally sa gobyerno ay dala na rin ng “pressured response” mula sa mga senador.
Nang matanong ni Good Government and Public Accountability Chairman Michael Edgar Aglipay si Mago kung handa itong makasuhan ng perjury dahil sa pabago-bagong pahayag nito, mabilis namang sinagot ni Mago na nakahanda siya sa kaso.