Inaantabayanan ngayon ang gagawing botohan ng House Committee on Good Government and Public Accountability para magpalabas ng subpoena ad testificandum para mapaharap sa moto proprio investigation ng komite si Pharmally Pharmaceutical Corp. executive Krizle Mago.
Ito ang iginiit ni DIWA party-list Rep. Micheal Aglipay, Chairman ng komite, matapos na bigong sumipot sa kanilang pagdinig ngayong araw si Mago hinggil sa kontrobersyal na pagbili ng pamahalaan ng mga Personal Protective Equipment (PPEs) sa Pharmally.
Kung mapagkasunduan ang subpoena ngayong araw ay mapipilitan na si Mago na humarap sa pagdinig ng Kamara.
Kahapon ay kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na hindi na nila ma-contact si Mago.
Matatandaang inamin ni Mago sa Senado na inutusan niya ang isang warehouse staff para palitan ang production date ng face shield.
Samantala, susulat naman ang komite sa liderato ng Senado para padaluhin naman si Pharmally Pharmaceutical Corp. director Linconn Ong kahit sa pamamagitan lamang ng video teleconferencing.
Sa ngayon, nanatili si Ong sa Senado matapos siyang ipa-contempt noong nakalipas na linggo.