Pharmally Pharmaceutical Corporation Executive Krizle Grace Mago, itinanggi na siya ay nawawala

Nakatanggap ngayon ang mga media na nagko-cover sa Senado ng email mula umano sa opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations na si Krizle Grace Mago.

Sa liham ay nagpasalamat si Mago sa lahat ng nag-alala sa kanyang kalagayan pero nilinaw na siya ay hindi nawawala o nagtatago.

Sa liham ay humingi rin ng pasenya si Mago sa ilang araw na hindi siya makontak dahil kailangan niyang iproseso ang nangyayari, sapagkat hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin sa harap ng mga nangyayaring imbestigasyon sa Pharmally.


Binanggit din sa liham ni Mago, na siya ay hindi binabantaan o ginigipit ng sinuman sa Pharmally dahil sa panahong nakatrabaho niya ang mga ito ay nakita niya na mabubuting tao sila.

Tiniyak din ni Mago na makikipagtulungan siya sa imbestigasyon.

Samantala, wala naman ganitong liham mula kay Mago na natanggap ang Senate Blue Ribbon Committee.

Si Mago ay nawala at hindi na makontak ng Senado matapos nitong aminin sa pagdinig ang pag-repack ng Pharmally ng substandard, yupi-yupi at maduming face shields na para umano sa gobyerno.

Sa hearing ay inamin din ni Mago na pinapalitan nila ng taong 2021 ang 2020 na production date ng face shield.

Facebook Comments