Phase 1 ng LRT 1 Cavite Extension, binuksan na ng pamahalaan; Proyekto, magagamit na ng mga komyuter simula Nobyembre 16

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng LRT-1 Cavite Extension sa Parañaque City.

Ito ang kauna-unahang railway project na nakumpleto sa ilalim ng Marcos administration dahil sa Public-Private Partnership.

Limang mga bagong istasyon ay magdurugtong sa Pasay City hanggang Parañaque at kaya nitong bumiyahe ng 30 minuto.


Ito ang Redemptorist – Aseana Station, Manila International Airport Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station na dating Sucat.

Ayon kay Pangulong Marcos, inaasahang makababawas din nang malaki sa traffic ang pagbubukas ng LRT 1 Cavite Extension.

Nasa 80,000 na mga pasahero ang posibleng madagdag na gumagamit ng LRT 1, at nasa 6,000 na sasakyan ang kayang ibawas na bumabagtas sa lansangan.

Aabot naman sa 45 pesos ang pasahe sa buong stretch ng LRT 1 mula FPJ Station hanggang Dr. Santos Station.

Ang pamasahe naman mula FPJ Station hanggang Baclaran o vice versa ay mananatili sa 35 pesos.

Magsisimula ang operasyon nito bukas, Nobyembre 16, ganap na alas-5:00 nang umaga.

Facebook Comments