Nagsimula na ang Phase 3 clinical trial ng bakuna kontra COVID-19 ng pharmaceutical company ng Johnson and Johnson na Janssen sa bansa.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevara, sakop ng pagsisimula ng clinical trial proper ang screening o pagsala sa mga pasyente, recruitment at mismong pagbabakuna.
Aniya, nasa National Capital Region (NCR) ang trial sites ng Janssen.
Gayunman, tumanggi si Guevara na magbigay ng impormasyon kung ilan ang participants sa clinical trial, bagama’t patuloy pa rin silang nananawagan sa mga nais makibahagi rito.
Sa ngayon, may higit 20 bilateral partners pa ang Pilipinas pagdating sa bakuna pero hindi pa malinaw kung alin sa mga ito ang interesado para sa clinical trials at distribusyon.
Paliwanag ni Guevara, tanging Phase 3 clinical trials lang ang tinatanggap ng gobyerno na pag-aaral sa mga bakuna.
Disyembre 2020 nang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Phase 3 clinical trial ng nasabing kompanya.
Bukod sa Belgium-based na kompanya, inaprubahan din ng FDA ang clinical trial sa bansa ng bakunang gawa ng Clover Biopharmaceuticals at Sinovac Biotech.