Inanunsyo ng Department of Science and Technology (DOST) na posibleng magkasabay na isagawa sa Pilipinas at Russia ang Phase 3 clinical trial ng Russian COVID-19 vaccine na ‘Sputnik V.’
Sa ilalim ng Phase 3, isusubok ang bakuna sa 300 hanggang sa 3,000 volunteers na mayroong COVID-19 at aalamin kung epektibo ito at kung mayroong ibang adverse reactions o side effects.
Ayon kay DOST Undersecretary Rowena Guevarra, Chairperson ng sub-Technical Working Group (TWG) on Vaccine Development, nagkaroon na ng meeting ang Vaccine Expert Panel sa nag-develop ng bakuna na Gamaleya Research Institute sa Moscow katuwang ang Defense Ministry ng Russia.
Umaasa aniya sila na makapagsisimula na sila ng proseso sa loob ng buwan, kabilang ang paglagda sa isang kasunduan, pag-review sa Phase 2 at Phase 3 clinical trial results, pag-apply sa Food and Drug Administration (FDA) para makapagsagawa ng trial, at isagawa ang Phase 3 trial.
Dagdag pa ni Guevarra, maaaring makapag-apply ang Gamaleya ng registration sa FDA pagkatapos ng trial upang magamit ang bakuna sa Pilipinas.