Phase 3 ng clinical trials sa WHO solidarity trials sa bansa, hindi pa nauumpisahan

Bigo pa ring maumpisahan ang Phase 3 ng clinical trial para sa potential Coronavirus Disease vaccines sa ilalim ng solidarity trials ng World Health Organization (WHO).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato Dela Peña na isasagawa dapat ang Phase 3 ng clinical trial noong Oktubre.

Pero ngayong nasa kalagitnaan na halos ng buwan ng Nobyembre ay hindi pa rin nag-uumpisa ang clinical trials.


Paliwanag ni Dela Peña, hindi pa kasi naisasapinal ng WHO ang listahan ng mga bakunang isasali sa trial, maging ang mga lalahok o mga participants.

Hindi pa rin inilalabas ang mga protocols sa gagawing trial na siyang dapat aprubahan ng DOST tulad ng regulatory at ethical clearances bago tuluyang makapagsimula ang clinical trial sa bansa.

Pero umaasa si Dela Peña na pagsapit ng Disyembre ay makapagsisimula na ang clinical trials sa Amerika at iba pang mga bansa nang sa ganon ay mapasimulan na rin ang trial dito sa Pilipinas.

Facebook Comments