Pinawi ng inaprubahang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 ang pangamba ng mga jeepney operators at drivers na ipe-phaseout o aalisin na ngayong may pandemya ang mga lumang jeepneys para bigyang daan ang Public Utility Jeepneys (PUJ) modernization.
Ayon kay AAMBIS-OWA Partylist Representative at Subcommittee on Economic Stimulus Response Package (ESRP) Co-Chair Sharon Garin, malinaw na nakasaad sa inaprubahan sa bicameral conference committee na Bayanihan 2 na walang mangyayaring phaseout ng Public Utility Vehicles (PUVs) sa parehong national at local level habang nasa ilalim ang bans ng “new normal”.
Tinitiyak din sa Bayanihan 2 ang ayuda na aabot ng ₱9.5 Billion para sa 20 programa ng Department of Transportation (DOTr) kabilang ang assistance para sa mga PUV at PUJ drivers at pagbibigay ng kabuhayan para sa mga displaced workers sa industriya ng transportasyon.
Bukod sa transportasyon ay tinitiyak din ang pagbangon ng mga lubhang tinamaan na sektor tulad ng agrikultura at turismo.
Aabot sa ₱24 billion ang pondo na ilalaan para sa subsidiya at pautang para sa mga magsasaka, mangingisda, agri-fishery enterprises at mga kooperatiba.
Nasa ₱4 billion naman ang ilalaan sa pagpapalakas ng sektor ng turismo kasama na rito ang tourism infrastructure program, cash-for-work programs at unemployment and involuntary assistance para sa mga nawalan ng trabaho sa turismo.
Tinukoy ni Garin na ang transportasyon, agrikultura at turismo ang tatlong pinakamahahalagang bahagi para sa muling pagbangon ng ekonomiya ngayong may pandemya.