Phil. Army, tiniyak ang kaligtasan ng mga residente sa Abra at Ilocos kasabay nang magkakasunod na engkwentro sa pagitan ng militar at NPA

 

Sinisiguro ng Philippine Army ang kaligtasan ng mga residente sa Pilar, Abra at Sta. Maria, Ilocos Sur matapos ang sunod-sunod na engkwentro sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Communist Terrorist Group.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, nakikipag-ugnayan sila sa Local Government Units para sa pagbibigay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng 113 pamilyang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ng pagganti ng mga rebelde.

Maaalalang, nagsagawa ng security operations ang militar noon kasunod ng tip mula sa mga residente tungkol sa presensya ng mga armadong lalaki sa lugar nang makasagupa ang mga miyembro ng North Abra Guerrilla Front (KLG North Abra) at llocos Cordillera Regional Committee (ICRC) nitong Martes at Miyerkules.


Giit ng opisyal, hindi sila magdadalawang-isip na gumamit ng pwersa upang maprotektahan ang komunidad mula sa mga natitirang kasapi ng CPP-NPA.

Facebook Comments