Matagumpay ang katatapos lamang na Joint Maritime Cooperative Activity sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Australian Defense Force kahapon.
Ayon kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., nakamit ang lahat ng layunin ng pagsasanay na walang naitalang untoward incident.
Ang 3-araw na drill sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa ay nilahukan ng BRP Gregorio del Pilar at BRP Davao del Sur ng Phil. Navy at Royal Australian Navy frigate HMAS Toowoomba.
Kasama rin ang A29-B Super Tucano at N22 Nomad ng Phil. Air Force; BNI2A aircraft ng Phil. Navy; at Royal Australian Air Force P8A maritime surveillance aircraft.
Sinabi pa ni Brawner na magpapatuloy ang mga joint patrol sa West Philippine Sea kasama ang mga kaalyadong bansa.
Mayroon din aniyang mga iba pang bansa na nagpahayag ng pagnanais na makilahok sa kahalintulad na aktibidad sa hinaharap.