Aminado ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mas nahihirapan sila ngayon sa pagproseso ng claims ng mga ospital na gastos para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon kay PhilHealth Chief Dante Gierran, natambakan na sila ng claims dahil sa pandemya kung saan mula sa 31,000 nitong 2020 ay tumaas na ito ng 26% na nasa 39,000 na nitong 2021.
Aminado naman si Gierran na kulang din sila ng tao na magpoproseso ng mga ito.
Bukod sa kakulangan ng tao, sinabi rin nito na problema rin ng PhilHealth ang ginagamit nitong IT system na pinuna ni Senator Panfilo Lacson.
Matatandaang napag-usapan sa pagdinig ng Senado noon ang ilang isyu sa PhilHealth kabilang ang biniling umano’y mahal na IT equipment ng ahensya sa ilalim ng pamumuno noon ni dating PhilHealth Chief Ricardo Morales.
Sa kasagsagan ng isyu sa PhilHealth, nagbitiw sa pwesto si Morales at inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gierran upang linisin ang korapsyon sa loob ng ahensya.