Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na hindi apektado ng pagpapahinto ng COVID-19 testing ng Philippine Red Cross (PRC) ang PhilHealth benefits ng mga miyembro nito.
Ayon kay PhilHealth Spokesperson Rey Baleña, sakop pa rin ng ahensya ang pagbabayad sa COVID-19 testing ng mga miyembro nito kahit hindi sa PRC laboratory dalhin ang kanilang mga swab specimen.
“Ginagarantiya natin na hindi naapektuhan ang PhilHealth benefits ng mga miyembro lalo na ng mga sectors na apektado sapagkat ‘yong kanilang mga swab specimen ay dinadala rin naman ‘yan sa ating mga accredited na laboratoryo, kaya, covered pa rin ‘yan ng PhilHealth,” ani Baleña sa panayam ng RMN Manila.
Humingi naman ng pang-unawa si Baleña dahil sa epekto ng hindi pa nababayarang utang ng PhilHealth sa PRC sa paghaba ng turn around at processing time ng COVID-19 testing ng mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs).
Nabatid na aabot na sa 4,000 OFWs ang stranded sa Metro Manila dahil sa delay bunsod ng isyu sa pagitan ng PhilHealth at PRC.
Paglilinaw ng opisyal, may pondo ang ahensya para mabayaran ang utang nito sa Red Cross pero nais aniya ni PhilHealth President at CEO Dante Gierran na masiguro muna na walang nalalabag na polisiya at tamang nagagasta ang pera.
“Gusto lang po na makatiyak ni Atty. Gierran na lahat po nasa ayos, wala pong nalalabag na anumang polisiya o batas kasi po pera po ng miyembro po ang ipinambabayad po naming sa kasunduan na ito. Meron lang siyang gusting iklaro po bago po namin talaga tuluyan na bayaran itong aming pananagutan,” paliwanag pa ni Baleña.