Iginiit ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang boluntaryong pagbabayad ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ng kanilang kontribusyon ay maaaring makompromiso ang National Health Insurance Program (NHIP).
Ang NHIP ay nakamandato sa ilalim ng Universal Health Care Act.
Ayon kay PhilHealth President Ricardo Morales, ang pundasyon ng insurance ay hindi para sa mga taong nagbabayad para mapakinabangan lang ng iba.
Nangangamba si Morales na maaaring hilingin din ng iba pang miyembro ang pribilehiyong iginawad sa mga OFW.
Iginiit ni Morales na kailangang amiyendahan ang UHC Law dahil nakasaad sa batas ang pagtaas ng premium contribution.
Gayumpaman, naglabas na sila ng advisory sa mga OFW na ang pagbabayad ng kanilang kontribusyon ay magiging boluntaryo habang kinakaharap ng bansa ang COVID-19 pandemic.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PhilHealth na huwag i-require ang mga OFW na magbayad ng premium contribution pero sa halip ay gawin itong voluntary basis.