PhilHealth charter, pinarerepaso ng liderato ng Kamara para palawakin ang benepisyo ng miyembro

Pinarerepaso ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa House Committee on Health ang charter ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Romualdez, layunin nito na matugunan ang mga balakid sa pagkamit ng mga Pilipino ng dekalidad na pangangalagang pangkalusugan at matiyak na ang operasyon ng PhilHealth ay nakabatay sa interes ng publiko.

Giit ni Romualdez, dapat palawakin ang benepisyong kaloob ng PhilHealth sa mga miyembro tulad ng pagtataas sa 50 porsyento ng sasagutin nito sa bill ng pasyente sa ospital.


Hirit din ni Romualdez na gawing libre ang pagpapasuri para agad na matukoy ang sakit at malapatan ng lunas lalo kung nakamamatay gaya ng kanser.

Kasama sa nais ni Romualdez na sagutin ng PhilHealth ang mga critical diagnostic exams tulad ng x-ray para sa lung cancer, mammography para sa breast cancer, at pagbabakuna ng human papillomavirus (HPV) vaccine upang maiwasan ang cervical cancer, at iba pa.

Diin ni Romualdez, ang PhilHealth ay dapat na magtrabaho gaya ng isang Health Maintenance Organization (HMO) na nakatuon sa pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino sa halip na ang inaatupag ay ang paglalagak ng kapital sa mga bangko at bonds.

Facebook Comments