Hanggang Disyembre ang ibinigay na taning ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Philippine Health Insurance Corporation Chief Dante Gierran para malinis sa katiwalian ang PhilHealth.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, nais ng Pangulo na matapos ng bagong PhilHealth Chief ang kanyang assignment na malinis ang ahensya sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa katiwalian at pagpapanagot sa mga ito bago matapos ang taong kasalukuyan.
Pero binigyang diin ng kalihim na hindi nangangahulugang hanggang Disyembre lamang si Gierran na mamumuno sa PhilHealth o nakadepende sa kanyang performance ang magiging termino niya sa ahensya.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na gugugulin niya ang nalalabing 2 taon sa pwesto para malinis ang PhilHealth.
Matatandaang sinabi na rin ng Pangulo na pabor siyang i-abolish o i-privatize ang PhilHealth, pero nais muna niyang subukan ang panukala ni Senate President Tito Sotto na gawing Chairman of the Board ng ahensya ang Finance Secretary at hindi ang kalihim ng Department of Health (DOH) dahil ang primary function naman ng PhilHealth ay insurance business.