Bubuo si bagong Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) chief Dante Gierran ng kaniyang sariling management committee bilang bahagi ng kaniyang short-term goals sa ahensya.
Ayon kay Gierran, isa ito sa siguradong gagawin niya kahit na kaka-appoint pa lamang sa puwesto.
Gayunman, hindi na idinetalye ng opisyal ang magiging trabaho ng nasabing komite.
Inamin naman ni Gierran na wala siyang kaalaman at karanasan pagdating sa public health.
Aniya, natatakot siya dahil hindi niya alam ang operasyon sa PhilHealth hindi gaya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kasabay nito ang hiling sa publiko na pagbigyan muna siyang pangasiwaan ang PhilHealth.
Sa ilalim ng Section 14 ng Universal Health Care Act, nakasaad na ang mamumuno sa PhilHealth ay may higit pitong taong karanasan sa public health, management, finance o health economics.