Ikinalungkot ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Ricardo Morales na hindi nirespeto ang kaniyang privacy sa gitna ng alegasyon ng korapsyon sa ahensya at sa kaniyang nagpapatuloy na medical treatment.
Ayon kay Morales, bilang isang pinuno ng tanggapan ay tungkulin niyang humarap at maging kinatawan ng korporasyon hanggang sa makakaya, subalit hindi na nirerespeto ang kaniyang privacy dahil nailabas sa publiko ang kaniyang medical ceritificate.
Binigyang diin ng PhilHealth na dadalo si Morales sa nakatakdang pagdinig ng Senado bukas, August 11 kahit ang kaniyang attendance ay gagawing online na lamang dahil sa lagay ng kaniyang kalusugan.
Nagsumite na si Morales ng kaniyang medical certificate sa Senado para payagan ang kaniyang online attendance sa halip na pisikal siyang dadalo sa pagdinig.
Nabatid na na-diagnose si Morales ng cancer nitong Pebrero at nagpapatuloy ang kaniyang chemotherapy.
Pinayuhan siya ng kanyang doktor na mag-leave of absence.
Bukod kay Morales, naghayag din sa Senado si PhilHealth Executive Vice President Arnel De Jesus na mayroon siyang medical conditions.
Si De Jesus ay na-diagnose ng iba’t ibang sakit tulad ng acute coronary syndrome, hypertensive heart disease at type 2 diabetes at na-admit sa ospital mula nitong August 5 at nakatakdang sumailalim sa angiogram, angioplasty at pulse generator replacement.
Nabatid na isiniwalat sa unang pagdinig ng Senado ng dating Anti-Fraud Legal Officer na si Thorsson Motes Keith na aabot sa P15 bilyon ang naibulsa ng ‘mafia’ mula sa Philhealth sa pamamagitan ng ilang fraudulent schemes.
Una nang itinanggi ng PhilHealth ang alegasyon.