Kumambyo si PhilHealth President and Chief Executive Officer Ricardo Morales at inaming nandoon siya sa isang online meeting noong nakaraang buwan kung saan nag-ugat ang mga bagong alegasyon ng korapsyon sa ahensya.
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa mga iregularidad sa PhilHealth, kinompronta ni Senate President ‘Tito’ Sotto III si Morales hinggil sa pahayag nito sa isang panayam sa radyo noong July 24, 2020 kung saan sinabi niya na wala siya sa Zoom meeting kung saan nagkaroon ng ‘sagutan’ o pagtatalo ang ilang opisyal ng PhilHealth.
Sinabi ni Morales na present siya sa nasabing virtual meeting at posibleng ibang tao lamang ang kaniyang tinutukoy na wala roon.
Dagdag pa ni Morales maaaring na-‘misquote’ lamang siya.
Hindi tinanggap ni Sotto na na-‘misquote’ lamang si Morales dahil personal niyang pinakinggan ang radio interview.
Sa pagkakaalala ni Morales, bagamat nagkaroon ng pagtatalo sa virual meeting ay hindi niya ito ikinokonsiderang ‘sigawan.’
Partikular na nagkaroon siya ng mainit na pagtatalo kay PhilHealth Board Member Alejandro Cabading.
Punto ni Cabading, inilabas lamang niya ang kaniyang pagkainis dahil sa tila pagtatanggol ni Morales sa ilang opisyal na nasa likod ng overpriced 2.1 bilyon pesos na information technology project.
Depensa ni Morales, na ang proyekto ay susi para mapabuti ang serbisyo ng PhilHealth at maresoble ang fraudulent claims sa ahensya.