Kinumpirma ni PhilHealth President Ricardo Morales na kinausap niya ang nagbitiw na Anti-Fraud Officer Thorsson Keith na kausapin ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Ito ay tungkol sa isang doctor na nadawit ng “ghost” dialysis controversy at sa overpriced testing kits.
Nabatid na inakusahan ni Keith si Morales na inaatasan siyang makipag-usap kay PACC Commissioner Greco Belgica para ayusin ang mga isyu hinggil sa overpriced testing fee.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole kahapon, itinanggi ni Morales na nakisuyo siya kay Keith na ayusin ang mga isyu.
Iginiit naman ni Keith na talagang ipinag-utos sa kaniya ito ni Morales para patunayang tiwala ito sa kaniya.
Para kay Keith, maituturing na “illegal” ang utos ni Morales sa kaniya.
Sinabi naman ni Morales, sumulat siya at inatasan niya si Keith na makipag-usap sa PACC tungkol sa accreditation ng isang nagngangalang Porshia Natividad, isang physician na isa sa mga nadiin sa “ghost” dialysis scam.
Sinuspinde ang accreditation ni Natividad bilang PhilHealth professional health care provider dahil sa pagpirma ng mga dokumento para sa claims na ginawa ng WellMed Dialysis Center para sa pagpapagamot ng mga pasyenteng napag-alamang patay na.
Dagdag pa ni Morales, pinalilinaw lamang niya mula sa PACC ang estado ng kaso ni Natividad matapos ireklamo ng doktor na pineke ang kanyang mga pirma.
Aminado rin si Morales na ang kaso ni Natividad ay inendorso lamang sa kaniya ng PhilHealth Board Member na si Marlene Padua na kakilala ng doktor.