PhilHealth coverage para sa rabies, pinatataasan ng ilang senador

Pinatataasan ng ilang mga senador ang coverage ng Philippine Health Insurance Corp., o PhilHealth para sa rabies sa gitna ng pagtaas ng kaso nito ngayon sa bansa.

Sa pagdinig sa Senado, tinukoy ni Health Committee Chairman Christopher Bong Go na batay sa tala ng Department of Health (DOH), mula January 1, 2025 hanggang March 1, 2025 ay umabot sa 55 ang rabies cases at noong 2024 nasa 426 na ang namatay.

Iginiit ni Senator Raffy Tulfo na kulang na kulang ang halagang sinasagot ng PhilHealth para sa mga pasyenteng nakagat ng hayop na hinihinalang may rabies.

Sa kasalukuyan ay nasa P5,000 hanggang P6,000 lamang ang coverage ng anti-rabies vaccination ng PhilHealth at kulang na kulang ito sa aktuwal na gastos sa pagpapagamot kung saan umaabot pa ito ng hanggang P20,000.

Nababahala ang mga senador na posibleng ma-discourage ang mga tao na magpabakuna sa mga animal bite center dahil sa mahal pa ng babayaran ng mga pasyente.

Pinatitiyak din ng mga senador sa mga LGU na nababakunahan ng anti-rabies vaccine ang mga alagang hayop.

Facebook Comments