PhilHealth, dapat agad bayaran ang hospital claims – Malacañang

Nanawagan ang Malacañang sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na pabilisin ang pagbabayad ng hospital claims para matiyak na nagpapatuloy ang kanilang operasyon ngayong pandemya.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, layunin nitong maiwasan ang anumang delayed reimbursements lalo na at mahalaga ang papel ng mga ospital sa pandemic response.

Tiniyak ni PhilHealth President Dante Gierran na agad babayaran ang mga ospital.


Iginiit ni Roque na kapag nawalan ng pondo ang mga ospital ay wala silang kakayahan na gamutin ang mga nagkakasakit.

Dagdag pa ni Roque, ang proposed financial aid ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa PhilHealth ay hindi tinanggap ni Gierran.

Una nang nanawagan ang Private Hospitals Association of the Philippines sa PhilHealth na bayaran ang mga obligasyon nito sa mga member hospitals dahil may ilang pasilidad ang nagbawas ng operasyon.

Ang PhilHealth ay may utang na sa mga ospital na nagkakahalaga ng ₱6 billion.

Pero nilinaw ng state health insurer na nasa ₱25 billion na halaga ng claims ang nabayaran na sa mga member ospitals noong nakaraang taon.

Facebook Comments