Iminungkahi ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera na dapat isailalim muna ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ‘cleansing’ at ‘financial checkup’ bago bigyan ng tulong ng pamahalaan.
Ang rekomendasyon ng kongresista ay kasunod ng pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nakahanda ang pamahalaan na bigyan ng pondo ang PhilHealth para maka-survive ito at matiyak na maipapatupad ang Universal Health Care (UHC) Law.
Giit ni Herrera, dapat na maging malinis muna ang financial standing ng PhilHealth at ayusin ang sistema bago ikunsidera ng gobyerno ang anumang bail out o financial assistance sa naturang state health insurance.
Handa rin aniya dapat ang ahensya na sumailalim sa cleansing process upang maalis ang mga tiwaling opisyal at empleyado.
Dagdag pa ng lady solon na isa sa mga may-akda ng UHC Law sa Kongreso, hindi na dapat pang ma-delay ang implementasyon ng batas na nagbibigay garantiya para magkaroon ng access sa de kalidad at abot-kayang health care services ang mga Pilipino bunsod ng mga iregularidad sa ahensya.