Pinaiimbestigahan ng Gabriela Women’s Party sa House Committee on Information and Communications Technology ang nangyaring Medusa ransomware group attack sa Philippine Health Insurance Corp o PhilHealth noong September 22.
Ang pagdinig ay inihirit ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas makaraang aminin ng PhilHealth na nagkaroon ng seryosong data breach dahil sa naturang insidente.
Nangangamba si Brosas na ang mga personal na impormasyon na nakuha ng hackers ay magamit sa paggsasagawa ng ibang krimen laban sa mga miyembro ng PhilHealth tulad ng identity theft.
Ipinunto ni Brosas na dapat ay agad itong inamin ng PhilHealth para agad ding nakapagsagawa ng imbestigasyon at nararapat na aksyon ang mga kinauukulang ahensya na daan para matukoy at matugis ang mga nasa likod ng data breach.
Kaugnay nito ay pinapagsumite ni Brosas sa Kamara ang National Privacy Commission ng kopya ng findings sa nangyaring cyberattack sa PhilHealth.