PhilHealth, hindi babayaran ang Red Cross hanggang hindi nareresolba ang isyu sa MOA

Nanindigan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi nila babayaran ang utang nito sa Philippine Red Cross (PRC) hanggang hindi nareresolba ang isyu sa Memorandum of Agreement (MOA).

Nabatid na aabot sa higit ₱930 million ang utang ng state health insurer sa humanitarian organization.

Ayon kay PhilHealth President and CEO Dante Gierran, hindi nila babayaran ang utang maliban na lamang kung mabigyang linaw ang MOA na nilagdaan ni dating PhilHealth Chief Ricardo Morales.


Ang MOA ay nilagdaan ng PRC at ni Morales nitong Mayo kung saan mayroong ₱100 million na revolving fund na kailangan palaging punan kapag ito ay nauubos na.

Para kay Gierran, hindi naipatupad ng maayos ang MOA ng dating pamunuan ng PhilHealth at hindi rin ito naka-publish sa online portal ng Government Policy Procurement Board at sa PhilHealth.

Nais ng kasalukuyang PhilHealth Chief na maglabas ng legal opinion ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa issue.

Hihingan din nila ng posisyon ang Department of Budget and Management (DBM) para rito.

Sakali man na negatibo ang posisyon ng DBM, pagtitiyak ni Gierran na babayaran nila ang PRC.

Samantala, umaasa naman si PRC Corporate Secretary Atty. Rodolfo Reyes na hindi na hahantong pa sa korte ang isyung ito.

Bukas din sila na ayusin ang gusot, pero iginiit ni Reyes na kailangan nila ang bayad para maipagpatuloy ang pagbili ng COVID-19 test kits.

Ang PRC ay mayroong 21 laboratoryo sa bansa na kayang makapagsagawa ng nasa 30,000 COVID-19 tests kada araw.

Facebook Comments