PhilHealth, hinihikayat ang healthcare providers sa Konsulta program

H1inihikayat ng PhilHealth ang health care providers na magpa-accredit sa programang Konsultasyon Sulit at Tama o “Konsulta”.

Sa ilalim nito, sagot ng PhilHealth ang check-up, health screening and assessment, laboratory, at gamot ayon sa health risks, edad. at pangangailangan ng pasyente.

Ayon kay Philhealth Spokesperson Dr. Shirley Domingo, mahalaga ang primary at preventive care lalo ngayong may pandemya.


Kabilang sa laboratory tests na maaaring sagutin ng PhilHealth ay CBC with platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, pap smear, lipid profile, ECG, chest X-ray, at creatinine.

Kung magreseta naman ang doktor ng out-patient drugs and medicines para sa pasyenteng rehistrado sa Konsulta, ilan sa mga gamot na maaaring bayaran ng PhilHealth ay amoxicillin, co-amoxiclav, oral rehydration salts, prednisone, salbutamol, paracetamol, amlodipine, losartan, at aspirin.

Maglaan ang PhilHealth ng P500 sa bawat miyembro kung magpapakonsulta sa mga pampublikong pasilidad.

Nasa P750 naman kada miyembro ang babayaran ng PhilHealth sa mga pribadong pasilidad.

Sa ngayon, sa mga piling lugar pa lang sa bansa umaarangkada ang programa dahil nasa proseso pa ang PhilHealth sa pagkuha ng health care providers na lalahok sa programa.

Bukod sa pagiging miyembro ng PhilHealth, kailangan kasing rehistrado pa sa health care providers ang nais gumamit ng benepisyo sa ilalim ng Konsulta.

Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi), dapat na rin ma-incentivize ng gobyerno ang mga pribadong ospital partikular sa mga in-patient claims.

Facebook Comments