PhilHealth, ipinasasailalim sa isang regulatory body

Inirekomenda ng ilang mga kongresista na ipasailalim na sa isang regulatory body o panel ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa pagdinig ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, iminungkahi ni Manila Teachers Partylist Rep. Virgilio Lacson na kailangan nang may regulatory body na mistulang “referee o mediator” na tututok sa mga ginagawa ng PhilHealth.

Layon ng pagsasailalim sa PhilHealth sa isang regulatory body na matiyak na mababayaran ng PhilHealth ang mga hindi pa nababayarang claims o utang nito sa mga ospital at pasilidad.


Inihalimbawa ni Lacson ang mga insurance companies na may mediator na Insurance Commission.

Kinatigan ito ng chairman ng lupon na si Pangasinan Rep. Ramon Guico na nagsabing sa ngayon ay walang regulatory body na nagmo-monitor sa mga Government Owned and Controlled Corporations o GOCCs gaya ng PhilHealth.

Samantala, bukas naman si PhilHealth President and CEO Dante Gierran para makipag-tulungan sa “third-party regulatory body” upang mabusisi ang kanilang mga record.

Dagdag ni Gierran, mas mabuting may “neutral” sa usapin upang ma-reconcile ang figures o datos ng PhilHealth at mga ospital.

Facebook Comments