Nagpapatuloy ngayon ang pagdinig ng Senado ukol sa mga katiwalian sa PhilHealth kung saan virtually present si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na siyang Chairman ng PhilHealth Board.
Sa pagdinig ay agad nilinaw ni Duque na walang palakasan sa kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at ito ay para sa lahat ng ospital o health care institutions ngayong may pandemya at hindi lamang para sa COVID-19 cases.
Paliwanag pa ni Duque, ang IRM ay ginawa rin noong manalasa sa bansa ang Ondoy at Yolanda, at nang mangyari ang Marawi Siege at pumutok ang Bulkang Taal.
Pero giit ni Lacson, malinaw sa PhilHealth Circular na hindi maaaring sakupin ng IRM ang hindi COVID-19 cases tulad ng dialysis at maternity care.
Ayon kay Lacson, ang ibang sakit at medical treatment ay dapat tulungan ng PhilHealth sa pamamagitan ng iba nitong programa at hindi dapat sa isailalim ng IRM.
Sa hearing ay mariin ding itinanggi ni Duque na hindi totoo ang report na may ₱154 bilyon na nawala sa PhilHealth dahil sa katiwalian.
Sa katunayan, ayon kay Duque, sa report ni Commission on Audit (COA) Chairman Michael Aguinaldo noong June 10, 2020 ay nakasaad na walang published COA annual report hinggil dito.
Binanggit din ni Duque ang pagsusulong niya sa paglikha ng Fact Finding Board na magsisiyasat sa fund releases at pinapa-overhaul din niya ang Information System Strategic Plan.
Banta naman ni Lacson sa mga opsiyal ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian, malamang maliligo ang mga ito kaso kapag ibinahagi na ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang lahat ng records ng pagdinig ng Senado.