Cauayan City, Isabela- Ipinagmalaki ng PhilHealth Isabela na walang sangkot na health providers sa lalawigan sa kontrobersiyang kinasangkutan ng ahensiya.
Ayon kay Ginang Aileen Lim, Social Insurance Officer, batay sa kanilang monitoring, tanging ang Isabela lamang dito sa region 2 ang hindi nasangkot sa anomalyang kinasangkot ng PhilHealth at iba pang hospitals.
Matatandaan na pumutok kamakailan ang eskandalong bumulabog sa nasabing Government Owned and Control Corp. (GOCC) kasapakat ang ilang partner health care providers nito.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay ng kautusang imbestigahan ang Philhealth dahil sa napabalitang double claim at ghost claim ng ilang hospitals.
Pagmamalaki ni Ginang Lim, maayos ang relasyon nila sa kanilang mga partner health providers o hospital kaya wala silang naitala na kahit na anong kaso ng labis at maanomalyang claim.
Sa kabila nito, kinumpirma ni Lim na may isang Government Hospital sa Tuguegarao City na napatunayang sangkot sa kontrobersiya.
Dagdag pa ni Ginang Lim, kanselado na ang accreditation ng naturang Government Hospital subalit umapela na ito sa national level.